Nakaupo kami ni Georgina Wilson sa MRT isang Byernes ng hapon. Hindi ito tulad ng ibang Byernes na siksikan ang tao, lalo pa’t rush hour. Maluwag ang tren. Galing kami sa photoshoot para sa isang pipitsuging produktong nangangakong pababatain ng dalawampu’t limang taon ang sino mang gagamit nito. “Wala namang masama kung susubukan ko.” Ang sabi ni Georgina. Papunta kami ng Ayala.
Tahimik ko syang minamasdan habang nakatitig sya sa mga nadadaanan naming billboard. Hindi ko mabakas sa mukha nya kung ano ba ang nilalaman ng diwa nya. Tinitigan ko pa sya ng mas matagal. Saka ako nagtanong: “may problema ba?” tanong ko. “wala, wala naman.” Sagot ni Georgina. “Naaalala ko lang.. nung kabataan ko.”
Nakakatuwa ang suot nyang loose Tshirt at jeans na tinernuhan ng isang pares na gomang chinelas. Parang hindi sya sikat na modelo. Nakalugay din ang kulay brown nyang buhok na bahagyang nakatakip sa kanyang maliit na mukha. Naka baseball cap rin sya upang hindi pagkaguluhan sa MRT. Humilig sya sa balikat ko.
Tatanungin ko na sana sya kung ano ang naalala nya, nang bigla syang nagsalita ulit.
“Kamusta ang kabataan mo?” tanong sakin ni Georgina. “Panong kamusta?” sagot ko.
Nanatili syang nakahilig sa balikat ko. “Kamusta. As in papano. As in ok ba o hindi ok. Masaya ba o hindi. Ganun.” Nagulat ako sa tanong nya. Pero pinilit ko namang makasagot ng maayos.
“Ah. Ok naman. May masaya, may hindi.” Napayuko ako ng kaunti ng maisip kong parang tanga ang sagot ko sa seryoso nyang tanong. Hindi agad nagsalita si Georgina.
Huminto ang tren sa Santolan-Annapolis station. Kaunti ang pumasok na pasahero. Maluwag parin sa kinasasakyan namin. Umayos ng pagkakaupo si Georgina, pero nakayuko lang ito na parang tinitingnan kung bagay ba sa mapuputi nyang mga paa ang suot nyang gomang chinelas. Umaandar ulit ang tren.
“Buti ka pa, may naisagot sa tanong ko.” Nagpusod ng buhok si Georgina. Amoy Creamsilk ang buhok nya sa kabila ng mainit at nakatirik na araw sa labas ng tren. Tapos ay bumalik sa pagkakahilig sa balikat ko. Nanatili syang nakayuko. “Samantalang ako, kahit ilang beses kong tanungin ang sarili ko kung kamusta ang kabataan ko, wala akong maisagot.”
Hindi ako nagsalita. Pinilit kong intindihin ang laman ng sinabi nya. Tumingin sya sakin.
“Marami ka bang ala-ala nung kabataan mo na maikukwento mo sa anak mo?”
Sumagot ako habang nagiisip ng mga posibleng bagay na pupwede ko ngang ikwento sa anak ko.
“Umm. Pwede kong ikwento sa kanya kung papano kita nakilala.”
Napangiti si Georgina. “Yung seryoso kasi.” Sabi nya. Napangiti rin ako. Hinawakan ko ang kamay nya. “Seryoso naman yun. Pwede kong ikwento sa kanya kung papano tayo nagkasabay sa school service nung elementary tayo. At kung pano ka nainlab sakin.” Nanatili ang ngiti sa mga labi ni Georgina.
Sa maraming taon ay nasanay na ako sa sari-saring koloreteng ginagamit nya sa maputi nyang mukha. Matagal narin mula nung huli ko syang makitang tulad nito. Walang make-up. Maganda. Walang kasing ganda.
Humigpit ang hawak ni Georgina sa kamay ko. Sabay yapos sakin gamit ang isang kamay.
“Malinaw na malinaw sakin ang ala-alang yun.” Patuloy ko. “Nung unang beses kitang makita, at kung papano tayo unang nagkausap dahil nanghihiram ako ng dictionary.”
“Hehe. Oo nga, batambata pa tayo non.” Sabi nya.
“Hindi ko na alam ang nangyari matapos ang mga kaganapang iyon.” Ang sabi ko.
Matagal kaming hindi nagkita ni Georgina dahil umalis sya papunta sa isang bansa sa timog ng Pilipinas. Ang dating akala ko’y mamumulaklak na pagibig sa pagitan namin, ay nahaluan ng samu’t saring pangyayari. Sa tagal ay hindi ko na maalala ang pakiramdam.
Bumitaw si Georgina sa kamay ko. Sabay tumayo at sinabing nasa Ayala na kami.
Hindi kami nagkikibuan habang naglalakad, bagama’t nakakalang sya sa braso ko.
“ako rin. Hindi ko na alam ang nangyari matapos tayong magkawalay ng matagal.” Sabi nya.
***
Nasa food court kami. Nakaupo sya sa harap ko. Tahimik. May mga bagay na hindi nagbago kay Georgina. Tulad nalang ng blankong reaksyon ng kanyang mukha, na napakahirap basahin.
Tumakbo papalapit sakin ang anak ko kasama si Lolet.
“O kanina pa kayo naghihintay?” sabi ko.
“Hindi daddy. Kararating lang din namin.”
Binati ni Lolet si Georgina ng isang magandang araw.
Mahal na mahal ko ang mag-ina ko. Na malinaw namang masasalamin sa mga sakripisyo at pagtitiis, upang marating namin ang ganitong estado. Sa kanilang dalawa umiikot ang mundo ko. Hindi maikakala yun. Sa dami ng hirap, pagsubok at mga karanasang pinagdaanan namin, bago at matapos kaming ikasal, malinaw sa akin na ang asawa ko talaga ang laman ng puso ko. At na handa akong tumanda kasama sya.
Sinabi ko kay Lolet na bumili muna sila ni Pepper ng Halo-halo.
Nanatiling walang kibo si Georgina habang pinagmamasdang maglakad papalayo ang dalawa.
Hindi ko parin mawari ang tumatakbo sa isip nya. Binasag ko ang katahimikan.
“Alam mo na ba kung ano ang ikukwento mo sa anak mo?” Tanong ko.
Ngumiti sya. Marahang tumango bago nagsalita. “Ikukwento ko ang kabataan natin. At ikukwento ko agad iyon sa kanya.”
Sabi ni Georgina.
“Masaya ako para sa’yo. Okey yun.” Sagot ko.
Masayang tumatakbo papalapit si Pepper kung saan kami nakaupo ni Georgina.
Pinunasan ni Lolet ng tuwalyang nakasabit sa balikat nya ang tumutulong gatas sa labi ni Pepper.
“Thank you!.” Nakangiting sabi ng anak ko.
Ngumiti si Georgina sakin. Para bang nagtatanong kung papano kami humantong sa ganitong pagkakataon, matapos ang lahat. Para bang hindi makapaniwala sa katotohanang nasa harapan nya. Sa kabila ng lahat ng mga tanong nya, alam kong masaya sya.
Hinalikan ni Georgina sa pisngi si Pepper, Niyapos ng mahigpit, at hinawakan ang mga kamay nito. Ngumiti, at bumulong, "May kwento sa'yo si Mommy.."
***wakas***
12|10|2010
No comments:
Post a Comment