|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Wednesday, December 22, 2010

CHELEKONG MAONG.

Laging sa madaling araw ang pagtatagpo namin ni tatay. Madalas kasi akong umuwi ng madaling araw nung kabataan ko. Sa kanya ako laging unang nagmamano bago paman pumutok ang liwanag ng araw.

Si tatay ang taga-luto naming sa sambahayan. Hindi makakakain ang buong pamilya kundi dahil sa luto niya. Siya rin ang toka sa stock na mga delata na madalas kong kupitan pag ako’y dinaratnan ng gutom sa gabi.
Isang araw sa aking pagkabinata, naisipan kong hiramin kay tatay Eddie ang kanyang chelekong maong. May pictorial ako, at alam kong bagay ang chelekong iyon pag nagpose ako sa harap ng kamera. Hindi nagdalawang isip ang tatay at agad na pinalabhan ang cheleko.
Naisuot ko ang cheleko at walang ‘sing ayos ang larawang nakuha sa akin. Ganong saya ko at ipinagmalaki ko agad sa tatay ang kinalabasan ng larawan. “Ok ah.” Sabi ni tatay. 


Mabilis pumasada ang mga araw ay ako’y umedad. Kasabay din ng hindi maiiwasang pag-edad ni tatay Eddie. Sa bawat awit na lumang maririnig ko ay sya agad ang pumapasok sa isip ko. Madalas kasi syang mag second voice sa kahit na anong kantang nalalaman nya. At ang mahusay pa, nasa tamang nota sya. Sa mga sandaling nalalaman kong nadaragdagan na ang kulubot sa aking balat, sya namang pagtutuwid ko sa mga kulubot na nakikita kong nalalagay sa chelekong maong. Labis kong mahal si tatay. Sa lahat ng pagkakataong may nais akong matutunan o magawa, sa kanya ako tumatakbo. At hindi ako nabigo. Hanggang sa mga panahong ito’y nararamdaman ko parin ang lagaslas ng tubig na galing sa batyang kinatatayuan ko kada huhugasan nya ako bago ihatid sa’ming munting bahay sa Prinza nung ako’y musmos at araw araw nyang nilalaro. Nananatili sa dila ako ang lasa ng kanyang mga lutuin kung saan ako lumaki. At mananatiling nakatatak sa’king pagkatao ang mga bagay, maliit o malaki na galing sa isang tatay na nagpamana sa’kin ng chelekong maong.



11/10/2010

No comments:

Post a Comment