Isa iyon sa mga umagang nagliliparan ang
mga tutubi at maamoy ang hamog.
Sa matayog na alapaap ay sumasayaw sa
hangin kasama ng mga tutubi ang espirito ni Dawa. Nakatanaw sya sa sanlibutan
na para bang unang beses nya itong nakita. Minasid nyang may galak at ngiti sa
labi ang lupa.
Sa matagal na oras ng pag-gala ni Dawa,
ay napatuntong sya sa isang magulang na pilapil, sa isang kapatagan sa hilaga
ng kapuluan. Dala narin marahil ng pagod ay napaidlip ang anito ng hangin sa
silangan, sa malapad na dahong tangkay ng pilapil.
Napabalikwas si Dawa ng makaramdam ng
matalas na bagay sa kanyang batok. Bahagyang napangiti ang anito ng hangin ng
makita ang sibat ni Ma-I na nakatutok sa kanyang leeg.
“Anong pakay at naparito?” Matapang na
tanong ni Ma-I, ang anito ng lupa sa hilaga.
“napasyal lang at nadala ng ihip ng
aking hangin sa’yong mainam na kalupaan, Ka-Mai.” Sagot ni Dawa.
Ibinaba ni Ma-I ang sandata. Bumangon si
Dawa’t pinasalamatan ang pilapil. Matagal na katahimikan na isang saglit ay
binasag ni Ma-i.
“Ka-Dawa, bilang naririto ka’t may
panahong mapagsalitaan, ibubukas ko na sa’yo ang mga balitang naisambit sa’kin
ng tainga ng lupa..” Pinaunlakan ito ng anito.
“Nagiging mailap na ang tao. Natututo na
syang mamuhay na hindi umaasa sa kalinga nating mga anito. Kailangang may gawin
na tayo upang hindi nya tayo tuluyang isantabi’t limutin.” Sumbong ni Ma-i.
“narating na ako ng balitang ‘yan.
Namasdan ko rin ang tao at nakita ngang napupuspos na sya ng talino. Ilang
panahon narin mula noong huli ko syang marinig tumawag sa’kin.” Sagot ni Dawa.
Inabot ni Ma-I ang isang bagong bunot na
tubo kay Dawa. Binali ito ni Dawa sa gitna at iniabot kay Ma-I ang kaputol.
Sabay silang sumipsip sa matamis na tubo.
“Ka-Ma-I, maging makupkupin ka’t
paubayang dito sa hilaga magdaos ng pulong kasama ang dalawa pa.” kibo ni Dawa.
Nagpatuloy. “Paiihipin ko ang aking hangin upang marating ng balita ang dalawa
sa kanluran at katimugan.”
umihip nga ang hangin ni Dawa. At noon
din ay inihanda ang isang kapulungan.
Dala ng isang nagdidingas na ipu-ipo ay
naparoon sa hilaga si Bighaya, ang anito ng apoy sa kanluran. Mayamaya pa’y
nagbuga ang pampang ng karagatan ng
isang malaking balyena kung saan sa malaking bibig nito’y lumabas si Siwat. Ang
anito ng tubig sa katimugan.
At napaikot ang apat sa isang
nakabuluhang usapan.
“Aba, tayo ay hindi dapat mabahala,
sapagkat ang hininga ng tao ay galing sa mga ilong natin. Mabilis din natin
itong malalagot kung nanaisin natin.” Ika ni Siwat.
“Ginawa natin ang tao upang maging
karapatdapat sa’tin. At upang sa pagtagal ay maging katulad nating mga
espiritong binasbasan ni Bathala.” Dugtong ni Bighaya.
“nababahala lang naman ako, na sa
pagtagal ay maging ‘sing lawak ng dunong natin ang kamalayan ng tao. Anong buti
ang dulot nito kung magkakapantay na tayo ng diwa?” mahinang sabi ni Ma-I,
nagpatuloy. “nakakapangilabot isipin na ang nilikha natin ang sya ring lulupig
sa’tin pag nagkataon.”
Nagsalita si Dawa. “Ka Ma-I, wala ka na
bang natitirang ni kaunting tiwala sa tao?”
Si Bighaya ang sumagot. “hindi tayo ililigtas
ng tiwala Ka Dawa. Ang matalinong budhi ay walang ibang hahangarin kundi ang
lubos pang katalinuhan. At papatalino na ng ubod ang tao.” Walang humaliling
magsalita.
Sa katahimikan ng pulong ay may narinig
na naglalakad ang mga anito. Dali nilang tinungo ang pinanggagalingan ng yabag.
Sa di kalayuan ay nasilayan nilang namamasyal si Bathala.
“Magandang araw.” Bati ni Bathala sa
apat. “Batid ko ang alalahanin ng inyong mga puso.” Dugtong nito.
Sumagot si Bighaya, “Hindi po ba kayo
nababahala sa maaaring gawin ng tao, mahal na Bathala?”
Huminga ng malalim si Ma-I bago
nagsalita rin, “nangangamba lamang po kaming baka dahil sa matayog na dunong ay
iwalang-bahala na ng tao ang aming pagka-anito. Ni hindi na ito dumadasal
sa’min pamula ng matutong mamuhay sa sarili.” Sumangayon naman ang iba.
Sumakay ang espirito ni Bathala sa lawin
at malakas na sinabi: “Kayong apat! Ibibigay ko ang inyong hangad at gagawan ng
paraan ang naging kinahinatnan ng tao.”
Pumagaspas ang lawin. “Aalisan ko ng
dila’t pandinig ang tao sa kabila naman ng pagbibigay ko sa ibon ng kakayahang
humuni, sa aso ng kakayahang tumahol at sa iba pang tunog na babalot sa
sanlibutan.” Lumipad ang lawin at umalingawngaw ang salita ni Bathala sa
alapaap. “Hindi makapagsasalita ang tao kasabay ng pagiging bingi nya sa lahat
ng tunog. Dahil dito’y magkakaroon sya ng dahilang makipagtalastasan sa inyong
apat na lumikha sa kanya upang manalangin. Subalit hindi nya masusumpungan ang
kagalingan.”
At sa paglagitik ng kidlat ay naglaho si
Bathala.
Lumipas ang mga araw at minasdan ng apat
ng kinagawi ng tao. Tinamaan ito ng matinding kalungkutan, at samantalang
talastas naman ng mga anito ang iniisip ng tao at naririnig nilang humihingi ng
tulong ito sa kanila, wala naman silang kapangyarihan sa ibabaw ni Bathala.
Tumagal pa’t nabibingi na ang apat na anito sa mga dasal ng pagsisisi ng puso
ng tao. Dahil dito’y nagpatawag ulit ng pulong si Dawa.
Sa pulong ay naunang nagsalita si Dawa:
“Hindi ko na matiis ang tao. Hindi ko na makayang makita syang maghihirap.”
Sumagot si Bighaya, “O, hindi ba’t ito
ang ninais natin? Subalit nuong pauna lamang. Ako ma’y lubos ang awa sa tao.”
Nagsalita rin si Ma-I “Maari pang may
kumausap sa Bathala’t sabihing talupin na ang sakit na ipinatong sa tao.”
Habang nagsasalita ang mga anito, tumayo
si Siwat at kinuha ang buslong nakalubid sa kanyang baywang. “Bibigyan ko ng
dalawang patak ng tubig ang tao. Anu pa’t magsisilbi itong tanda ng labis nyang
lumbay at ipapatak ito ng kanyang mata upang matanto ni Bathala ang kanyang
pagsisisi.” At nanaog si Siwat at hinipo nga ang mga mata ng tao.
Sumunod ay tumindig si Bighaya.
“Pagdidingasin ko ang alab sa puso ng tao. Sa gayo’y madarama nya ang iba’t
ibang pihit ng emosyon. Sa ganito’y
naipaparating nya sa atin, at kay Bathala ang mga nais ng kanyang puso.
Tatawagin itong ‘Damdamin’. ” at bumulusok ang isang pulang alab na ibinato ni
Bighaya sa dibdib ng tao.
Sumalita si Ma-I. “Naibigay ko na sa tao
ang dunong sa pangangaso’t pagtatanim saking lupain. Ang maihahandog ko na
lamang ay ang karapatan upang libutin ang kahit saan sa aking lupalop
samantalang siya ay nagbibigay ng galang sa ibang nilalang tulad ng hayop at
halaman. ” at nagkagayon nga.
Huling nagsalita si Dawa: “Nasa akin ang
kapangyarihan ng hangin at kalawakan. Ibibigay ko sa tao ang kapangyarihan
upang gamitin ang hangin sa paghahatid ng mensahe sa atin, kay Bathala at sa
ibang nilalang sa kahit na paanong paraang magagamit nya ang hangin,
samantalang hindi sya nakakarinig at nakakapagsalita.” At nagkagayon nga.
Ilang buwan ang nagdaan.
Isang gabing pinahahampas ni Siwat sa dalampasigan ang alon, ay napadaana ang
tao. Hindi nagpakita ang anito at ito’y tumago sa isang kabibe.
Nalilitong-gulat ni Siwat ng isang malamyos na tunog ang narinig nyang lumabas mula sa mga labi ng
tao. Mainam ito sa pandinig ni Siwat at ramdam nya ang damdamin na nakapaloob
dito. At nuon nga narinig ang unang sipol. Nanaog ang tatlo pang anito sapagkat
nadinig rin nila ang malambing na tunog ng sipol ng tao. Batid din nilang may
panalangin itong kasama dahil sa damdaming nakapaloob sa bawat tono. Datapwa’t
hindi ito naririnig ng tao, nagagamit nya naman ang hangin upang ito’y
patunugin. Ilang sandal pa’t may dalawang patak ng luhang umagos sa mga mata ng
tao. At dito’y naramdaman nilang ito’y nakikiusap.
Nanalangin ang apat kay Bathala. Ilang
sandal pa’t nakadinig sila ng palakpak na sinasabayan ng pagtimpalak ng paa.
Sipol, sipol at sipol. Damdaming masaya’t may pasasalamat. At laking gulat ng
apat ng sumalita ang tao kasabay ng kanyang palakpak at pagyabag ng paa.
“Mga
anitong hirang, pagsisising taos
Sa
pusong naghirap, sa inyo’y tantos
Ang
malimot kayo’y hindi na mauulit
Ako’y
sasambit parati aawit.”
At narinig nga sa mundo ang kaunaunahang
awit matapos talupin ni Bathala ang lambong na itinalukbong nya sa boses at
pandinig ng tao. Labis ang kasiyahan ng tao kung kaya’t umawit lang sya ng
umawit buong gabi sa mga anito. Ang apat nama’y lubos ang galak sa pakikinig sa
mga awit ng papuri at pagsamba sa kanila. Naglaon ay hinandugan nila ang tao ng
mga instrumentong makalilikha ng musikang makasasabay sa pagawit ng tao.
Natutong umawit ang apat gawa ng tao, at buong saya rin nilang inawitan si
Bathala. At sinabi ni Bathala sa lawin: “At natuto rin sila ng bagong kaalaman
sa nilalang na kinatatakutan nilang mahihigitan ang dunong nila. May buting
dulot rin naman pala.”
-Ewak Hernandez
2012