|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Friday, October 12, 2012

Sa hulmahan ng diwa ni Lualhati Bautista


Sa hulmahan ng diwa ni Lualhati Bautista.
Isa sa mga unang nagparikit sa alab ng masining na pagsasalaysay ng buhay.


Isinulat ni Jake ang istorya ng pag-ibig nila ni Aurea. Iyon ang ipamimigay sa kanilang kasal bilang souvenier. Tulad ng ibang makata, iyon ay nasa wikang tagalog. At inilimbag ng isang lumang makinilyang pinagmamalaki n’yang kapareho ng modelong ginamit ni Lualhati Bautista sa pagsulat ng mga nobelang “‘GAPÔ” at “Bata, Bata, Pa'no Ka Ginawa?”.

‘San daan at walong pahina. Maganda ang pagkakasalaysay sa tipikal na font size ng makinilya. Kakaunti ang Snow-Pake sa mukha ng mga papel na pinagsamasama ng stapler. Walang iniwang detalye. Simula ‘nung una silang magkita, hanggang sa araw na isinusulat na nya ang istorya.
Kung mababasa’y aabutin ng kilig. Mararamdaman ang nakapaloob na pag-ibig sa bawat saknong. Mararamdaman ang lubos na pagmamahal ni Jake.

May apat na taon na nang isalansan iyon ni Jake sa gitna ng mga libro sa bookshelf sa kwarto nila ng asawa nya.
May bilog na mantsa iyon na galing sa pagkakapatong ng isang tasa ng kape. Nabibilugan ng brown na mantsa ang pamagat nitong “Ang naudlot kong langit”.

-Ewak Hernandez
2012


“The only affair that I do not hate is a love affair, period.” –Lualhati Bautista

Tuesday, January 3, 2012

Sa lumang lugar.

Nakaupo si Jonel sa maligamgam na gutter. Nakasapo sa dalawang palad ang mukhang bumabaha sa luha.

Dito sya madalas maupo at maghintay sa kanyang tatay tuwing hapon upang salubungin ito at magmano, at kalikutin ang kung ano mang pasalubong nito galing sa pagbyahe ng tricycle. Madalas ay goto na binili sa isang kilalang gotohan sa palengke, o kung minsan ay isang plastik ng maputlang palabok na binili sa naglalakong mangyan sa bayan. Kung ano man, masaya itong inuubos ni Jonel. Ngingiti, at yayapos sa pagod niyang tatay.

Kung saan nagbago ang lahat, ay tila isang channel na biglang nailipat nang hindi sinasadyang maupuan ang remote control. Nanlamig ang lahat nang mawari ng tatay ni Jonel na hindi si Voltron at Big Bad BettleBorgs ang gusto nyang katabi sa pagtulog, kung hindi Polly Pocket at si Barbie.

Matagal na naming alam. Mula pa nung uso pa kay Paolo na may isang linyang uhog sa pisngi, at ako naman ay naka tak-in pa at may pulbo mula batok hanggang leeg.
Panay na ang kandirit ni Jonel sa kalsada at kung papano kami masuya sa araw araw nyang pag-aaya saming maglaro ng miss unibers-unibersan at lagi dapat sya ang miss unibers.

--

Naalala ko pa nung nagpatuli kami at unang-una si Jonel sa pila. Seryoso syang humarap sa’min at tila kakandidatong sinabing yun na ang simula ng pagbabagong buhay nya. Hindi ganon ang pagkakasabi nya, parang “This iz it. This iz ze start of the new millenium.”. basta parang ganon. Isipin mo nalang na galing ‘yon sa bibig ng isang baklang grade 4.
Hindi namin alam kung ano ang kahulugan ng mga katagang iyon. Kung simula na ba iyon ng paggiging paru-paro nya, o kung magiging tunay na lalaki na sya. Kung ano man ay hindi na namin nausisa, sapagkat nawala na sa sirkulo ng mga batang-hamog ang bagong tuling si Jonel.

Lumipas ang madaming taon at napagdaanan na namin ang walong libong taghiyawat at sari-saring ST. Ang iba sa amin ay nag-abroad na, ang iba naman ay may asawa na. wala kaming naulinig na balita kay Jonel. May nakapagsabing nagaalok daw ito ng serbisyo sa mga lumang sinehan sa Quiapo, meron nagsabing nagsa-babae na raw ito, at meron namang nagsabing naging kabit daw ito ng isang poging pulitiko. Sa mga sari saring balita ay hindi namin alam ang paniniwalaan. Basta, sa’ming kadiwaan, nawawala si Jonel.

--

Huli na ng malaman ko ang nangyari. Isang Byernes ng umaga sa isang eskinita sa ilalim ng istasyon ng Blumentrit, pagkagaling ko sa isang binyagan, naispatan ko ang matandang tatay ni Jonel. Masaya itong nagkuwento tungkol sa naging kapalaran ng kanyang anak. Ito raw ay may pamilya, ikinasal matapos nyang ipakilala sa isang maestra sa isang kilalang unibersidad sa Maynila, may dalawang anak, at masayang masaya. Tinanong ko ang kalagayan ni Jonel, ang address, at ibinagay naman ito. Dali akong umuwi para ipamalita at makapag plano ng isang dalaw. Sayang at hindi na makakasama si Paolo sapagkat ito’y nasa Saudi na at masayang naninirahan kasama ang pamilya.

***

Naglakad ako patugong bayan, isang Martes ng hapon upang bumili ng pyesa ng bisikleta.

Nakita ko si Jonel. Ngumiti. Nakipagkwentuhan. Tinahak namin ang lahat ng mga kaganapang hinabi ng nagdaang panahon. Walang humpay na tawanan. Tinanong nya ang mga nangyari sa’ming lugar. Kinumusta nya ang lahat. Ikinuwento ko ang kapalaran ni Paolo sa Saudi.Na masayang masaya na ito sa pamilya nya. Ikinuwento ko rin ang pag uusap namin ng Tatay nya dalawang linggo na ang nakalipas. Tinuya nya pa ako na nauna pa syang dumalaw kaysa sakin.
Ibang iba si Jonel. Hindi malambot. Hindi mahinhin. Hindi haliparot. Nakasuot nya ng isang kupas na maong at polong itim na may katernong itim na rubber shoes. Clean cut ang kanyang buhok. Amoy lalaki. Sa wari ko’y Axe ang kanyang pabango. Ibang iba kaysa Jonel na nakilala namin noon na nagtangkang maging isang batang mariposa.

Kinumusta ko ang mga anak nya at ang maybahay nya. kapwa “Okey naman” ang sagot nya.

Umabot nang halos tatlong oras ang kwentuhan, at tumanggi si Jonel na umikot sa aming lugar. Pinili nyang makipagkwenthan sa akin sa tapat ng lumang tindahan ni Botong. Maya-maya pa'y nagpaalam na si Jonel. Kinamayan ko sya at sinabing magkikita kami ulit. Baka sa isang linggo, hindi pa sigurado. Binunot ni Jonel ang isang lumang wallet upang bigyan akong kanyang calling card. Naalala kong nabanggit nga pala ng tatay nya na isa na itong “Office boy”.. oo ganun ang pagkakasabi ng tatay nya.. “Office boy”. Kinuha ko ang card, subalit bago pa maisara ni Jonel ang kanyang pitaka ay naispatan ko ang isang lumang litrato. Litrato ni Paolo.

Hindi na ako nagtanong. Tumalikod na ako at nagpaalam.

Sa isang hindi sinasadyang baling ng aking leeg ay napalingon ako sa kinaroroonan ni
Jonel.

Sinulsi ng diwa ko ang lahat. Naramdaman ko ang kirot ng pagpapanggap. kung papanong inihawla ni Jonel ang tunay na pagkatao at pagibig para sa ikaliligaya ng ama. Hindi ko na nakuhang magtanong kung bakit.

Nakaupo si Jonel sa maligamgam na gutter. Nakasapo sa dalawang palad ang mukhang bumabaha sa luha.



*ewakhernandez
01042012