|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Thursday, December 23, 2010

Tangay ng hangin.

*first published 2008
"Shut your eyes, maglakbay sa panaginip"
The Tanglawan-Deluge literary folio 2008
copyright The Scholastican



Nakangiti sya



"Hindi ako kumakain ng gulay. Vegetarian ako."
Idinura ni Mellow ang isang subong kumpitis sa plato.
"Bakit kasi hindi mo sinabi agad na gulay pala ito!"
Dugtong nya.
"Eh, hindi ko rin naman inaasahan na darating ka. Kasal mo ngayon diba?"
Sagot ni Jihan na kanina pa nagtataka kung saan nanggagaling ang matamis na amoy na bumabalot sa kanyang hardin.

Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang padalhan ni Mellow ng isang mensahe tangay ng hangin si Jihan. Sambit dito ang mga katagang: "Oi punta ka sa Myerkules, dalawang linggo mula ngayon. May kasalan."
Tinandaan ni Jihan ang mensahe.

"Paano mo nalamang kasal ko ngayon?"
Dinukot ni Mellow ang isang plastik ng Doris sa kanyang backpack. Paborito nya ito mula pa nuong mga bata sila.
"Myerkules. sabi ng hangin Myerkules."
Hindi Tumatayo si Jihan sa kanyang kinauupuan subalit patuloy ang kanyang ilong sa paghahanap kung saan nanggagaling ang matamis na amoy.
"Tsong Martes lang ngayon." Sabi ni Mellow.

"Naka wedding gown ka kaya."



Pumaling sya sa kanan




Matagal na katahimikan. Tumayo si Jihan at binuksan ang pintuang screen upang pumasok sa loob ng bahay nya. Lumagabog ito pag sara. Kumalog ang isang picture frame na nakasabit sa ibabaw ng pintuan. Napansin ito ni Mellow.
"Oy, Naitago mo pa pala 'to?"
"Alin?" Pasigaw na sagot ni Jihan habang Nagsasalin ng salabat sa tatlong baso.
"Yung picture nating dalawa nung highschool graduation."
"Ah, oo. Bakit, yung kopya mo nasan na?"
Hindi sumagot si Mellow.

Itinulak ni Jihan ng balikat nya ang pinto para lumabas. Bitbit nya ang isang tray na may nakapatong na tatlong baso ng umuusok na salabat.
"'Di ka na sumagot. Sabi ko nasan na yung kopya mo."
Umupo si Mellow sa sahig. Sa paanan ng isang puno ng kaimito. Wala paring kibo.
"Hindi mo na alam kung nasaan noh?"
Inilapag ni Jihan ang tray sa sahig sa harap ni Mellow. Sabay umupo rin sya sa harap nito.


           
Umungol sya



"Bakit tatlo 'yang baso? Eh dalawa lang tayo dito?"
Malayo ang tanaw ni Mellow.
"Kay Jared yan. Hindi ba sya dadaan dito? Hindi ka ba nya susunduin?"
Buntong hininga.
"Ayoko nito Jihan. Ayoko sana nito."
Buntong hinga ulit.

Walong taon na nang unang ipakilala ni Mellow si Jared kay Jihan. Mabigat. Pero kailangan. Hindi na umuubra ang mga bagay sa pagitan ni Mellow at Jihan. Dumating pa si Jared. Lalong nagkaron ng maraming komplikasyon.

Sa kabila ng lahat, Buo parin ang  puso ni Jihan. Para kay Mellow.

Kay Mellow lang.



Tinawag nya ang isang pangalan



"Hindi mo naman sinagot yung tanong ko Mellow eh."
"Teka, ano ba'to?"
"Salabat"
"Ay, Vegetarian ako eh."
"Galing sa luya yan. Gulay."
"Hindi ako kumakain ng gulay. Vegetarian ako. Simula pa nung.. nung huli tayong magkita"
"Simula pa nung isang taon?"
Pagtataka ni Jihan.
"Ganon na ba katagal? parang kailan lang."
Sagot ni Mellow.
Patindi ng patindi ang matamis na amoy.

"Tsong hindi dadating si Jared. Hindi nya ko susunduin."
Tumayo si Mellow. Nag-unat.
Nanatiling nakaupo si Jihan.

"Ang ganda ng gown mo. Anong material yan?"
"Retaso dude. saka ano.. Dyaryo. Nilagayan ata ni Waggy 'to ng.. ah oo nga. nilagyan nya 'to sa laylayan ng pink na ribbon.. kaso, nawawala ata. sumabit siguro sa jeep kanina."
Nakatitig si Jihan kay Mellow. Walang kurap. Namamangha. Kung papaanong ang isang bagong kasal na babae ay nakukuhang maggala at umasal ng ganito.. Pero. gusto nya ito. Gusto nyang nasa harap nya si Mellow. Wala syang ibang gusto kundi ang makasama ito.

Nakatingala sya. Walang kibo. Pinagmamasdan ang walang kupas na kagandahan.

"Kasal na ako Jihan. Sa isang hindi ko inaasahan. Sa isang akala ko'y hindi ako ipaglalaban.. Wala si Jared. Hindi sumipot.. At saka, wala namang barong na isosoot yon.."
Nadurog ang puso ni Jihan.
"Kinasal ako sa ibang lalaki. Vegetarian din sya kaya ko sya pinakasalan. "



May pumatak na luha



Humigop si Jihan ng salabat. Upang magkunwaring dahil sa init at paso ang pagluluha. Tahimik. Kapwa nakatingin sila sa malayo.

"Mellow.. Hindi mo man lang ba ako naisip?"
"Kailan?"
"Bago ka magpakasal dun sa kung sino man.. Saka pagkatapos nyong maghiwalay ni Jared."
Hindi parin sila tumitingin sa isa't isa.
"Aah.. Hindi ko nga alam kung nasan na si Jared. Basta Sabi nya, pupunta lang daw sya sa CR. Tapos nawala na.."
Umupo ulit si Mellow sa Tabi ni Jihan. Pero hindi parin sila nagtitinginan.
"Hinanap mo ba sya?"
"Si Jared? Hindi.. Kahit naman nung una hindi ko sya hinanap. Kusang dinala ng hangin sakin.. Kahit minsan, ayoko nang saluhin, Wala akong magawa kundi sumabay sa ihip.."
Humigop ulit si Jihan ng salabat.

Tumayo si Jihan. Lumapit sa pintuan upang abutin ang picture frame. Tinitigan nya ito upang alalahanin ang mga magagandang pangyayaring dumaan sa kanila ni Mellow. Subalit habang tinititigan nya ito at binabagtas ng mga mata nya ang larawan, ay tila napupuno ito ng makapal na usok. Puti. Unti-unting lumalabo ang imaheng matagal nang nakalimbag sa papel...
Sinubukang tanggalin ni Jihan ang usok. Hinipan nya. Pinunasan.. Walang epekto.. Di nagtagal ay nabura na ang larawan.. Hindi nya maintindihan ang nangyayari.
Lumingon sya kay Mellow...
Nakatingin ito ng deretso sa kanya.
Nakangiti.
Nakangiti habang dahan-dahang lumalabo ang kanyang mukha...

"Mellow, wag ka nang umalis ulit.."

Nakangiti parin ito.. umiiyak si Jihan.. Nabubura ang mukha ni Mellow.. Dahan-dahan..

"Hindi naman kita iniwan Jihan. Kahit noon. Aalis lang ako sandali.. sandali lang.."
Nakangiti..

"Wag na Mellow.. nakikiusap ako.. wag na.."

Matapang na matapang na ang matamis na amoy..



Tumihaya sya



Wala na ang mga mata ni Mellow, pati ang ilong at tainga.. Blanko. Puti.
Dinampot nya ang isang baso ng salabat. at sa mga labi nyang mapuputi ay walang pakundangan nya itong ininom at inubos.

"Vegetarian ka kamo ah? Gulay yan.. Bakit mo ininom?
Nagulat si Jihan.

"Mahirap para sakin itong ginawa ko. Nadaganan ako ng sangkatutak na pagbabago mula nung hindi tayo magkita. Ipinilit ko sakin ang hindi naman dapat. Para lang maging bagay sa lahat. Hindi kita ini..."

May kalog na naramdaman si Jihan..

"..Wan Jihan.. Nandito lang ako sa tabi mo. Pero hindi mo ako nakikita. Dahil.. dahil hindi ako nagpapakita.."

Kumalog ulit.

Gamit ang kanang kamay ay dinampot ulit ni Mellow ang basong dapat sana ay kay Jared..

"Wala si Jared. Inumin ko na 'to ha."
Inubos ulit ni Mellow ang salabat.
"Shet. Carnivorous na ko. ughh."
Walang humpay ang pagiyak ni Jihan. Hindi alam ang gagawin kung iiwan ulit sya ni Mellow..

"O pano.. Una na muna ako sayo ha.. hanggang sa susunod nalang.."
Tuluyan nang nawala ang mukha ni Mellow subalit umaalingawngaw ang tinig nya.
Nangingibabaw parin ang matamis na amoy.

"Masaya ako nakita kita Mellow. Sa susunod ulit.. Ingat ka ha."

Tumalikod na si Jihan at pumasok sa bahay.. Subalit sumusunod parin sa kanya ang matamis na amoy. Nakikita nya si Mellow sa gilid ng kanyang mata, at nakita nyang tumalikod narin ito upang sumakay ng jeep.

Wala na si Mellow. Walang nakakaalam kung saan sya makikita. Kung kailan ulit sya dadating. Sa isa pang pagkakataon, nabiyak ang puso ni Jihan.



Nagising sya



Napabalikwas si Jihan sa higaan. Pawis na pawis. Halatang mabilis ang tibok ng kanyang puso. Deretso ang tingin.. Hindi Kumukurap. Hindi makapaniwalang Anim na taon na mula nang makita nyang naka wedding gown si Mellow at nakaharap sa Altar, habang sugatan ang puso nyang nakatanaw sa likod ng simbahan. Nagbuntong hininga sya. Napayuko. Naamoy nya ang matamis na halamuyak na nasa ere ng silid. Tumingala sa kisame. Tumingin sa orasan.. Alas-dos ng madaling araw. Maaga pa. Humiga ulit. Nakatitig sa kisame. Habang lumilipad ang isip sa kawalan ay dinalaw ulit sya ng magkakahalong ala-ala. mga ala-alang nagpabago sa buhay nya. Pumaling sya sa kaliwa.
Tinitigan ang babaeng natutulog sa tabi nya. Inamoy ang matamis na halimuyak ng kanyang kabiyak. Napangiti. at nagtaka. Nagtataka ngunit natutuwa. Kung papanong ipinagpalit ni Mellow ang lahat.. Ang lahat lahat.. Maging ang sariling kasal, para lang makasama sya.


-wakas

Wednesday, December 22, 2010

Pepper.

Nakaupo kami ni Georgina Wilson sa MRT isang Byernes ng hapon. Hindi ito tulad ng ibang Byernes na siksikan ang tao, lalo pa’t rush hour. Maluwag ang tren. Galing kami sa photoshoot para sa isang pipitsuging produktong nangangakong pababatain ng dalawampu’t limang taon ang sino mang gagamit nito.  “Wala namang masama kung susubukan ko.” Ang sabi ni Georgina. Papunta kami ng Ayala.

 Tahimik ko syang minamasdan habang nakatitig sya sa mga nadadaanan naming billboard. Hindi ko mabakas sa mukha nya kung ano ba ang nilalaman ng diwa nya. Tinitigan ko pa sya ng mas matagal. Saka ako nagtanong: “may problema ba?” tanong ko. “wala, wala naman.” Sagot ni Georgina. “Naaalala ko lang.. nung kabataan ko.”
 Nakakatuwa ang suot nyang loose Tshirt at jeans na tinernuhan ng isang pares na gomang chinelas. Parang hindi sya sikat na modelo. Nakalugay din ang kulay brown nyang buhok na bahagyang nakatakip sa kanyang maliit na mukha. Naka baseball cap rin sya upang hindi pagkaguluhan sa MRT. Humilig sya sa balikat ko.
 Tatanungin ko na sana sya kung ano ang naalala nya, nang bigla syang nagsalita ulit.
 “Kamusta ang kabataan mo?” tanong sakin ni Georgina. “Panong kamusta?” sagot ko.
Nanatili syang nakahilig sa balikat ko. “Kamusta. As in papano. As in ok ba o hindi ok. Masaya ba o hindi. Ganun.” Nagulat ako sa tanong nya. Pero pinilit ko namang makasagot ng maayos.
“Ah. Ok naman. May masaya, may hindi.” Napayuko ako ng kaunti ng maisip kong parang tanga ang sagot ko sa seryoso nyang tanong.  Hindi agad nagsalita si Georgina.

Huminto ang tren sa Santolan-Annapolis station. Kaunti ang pumasok na pasahero. Maluwag parin sa kinasasakyan namin. Umayos ng pagkakaupo si Georgina, pero nakayuko lang ito na parang tinitingnan kung bagay ba sa mapuputi nyang mga paa ang suot nyang gomang chinelas. Umaandar ulit ang tren.

“Buti ka pa, may naisagot sa tanong ko.” Nagpusod ng buhok si Georgina. Amoy Creamsilk ang buhok nya sa kabila ng mainit at nakatirik na araw sa labas ng tren. Tapos ay bumalik sa pagkakahilig sa balikat ko. Nanatili syang nakayuko. “Samantalang ako, kahit ilang beses kong tanungin ang sarili ko kung kamusta ang kabataan ko, wala akong maisagot.”
Hindi ako nagsalita. Pinilit kong intindihin ang laman ng sinabi nya. Tumingin sya sakin.
 “Marami ka bang ala-ala nung kabataan mo na maikukwento mo sa anak mo?”
Sumagot ako habang nagiisip ng mga posibleng bagay na pupwede ko ngang ikwento sa anak ko.
 “Umm. Pwede kong ikwento sa kanya kung papano kita nakilala.”
Napangiti si Georgina. “Yung seryoso kasi.” Sabi nya. Napangiti rin ako. Hinawakan ko ang kamay nya. “Seryoso naman yun. Pwede kong ikwento sa kanya kung papano tayo nagkasabay sa school service nung elementary tayo. At kung pano ka nainlab sakin.” Nanatili ang ngiti sa mga labi ni Georgina.

Sa maraming taon ay nasanay na ako sa sari-saring koloreteng ginagamit nya sa maputi nyang mukha. Matagal narin mula nung huli ko syang makitang tulad nito. Walang make-up. Maganda. Walang kasing ganda.

Humigpit ang hawak ni Georgina sa kamay ko. Sabay yapos sakin gamit ang isang kamay.
“Malinaw na malinaw sakin ang ala-alang yun.” Patuloy ko. “Nung unang beses kitang makita, at kung papano tayo unang nagkausap dahil nanghihiram ako ng dictionary.”
“Hehe. Oo nga, batambata pa tayo non.” Sabi nya.
“Hindi ko na alam ang nangyari matapos ang mga kaganapang iyon.” Ang sabi ko.

Matagal kaming hindi nagkita ni Georgina dahil umalis sya papunta sa isang bansa sa timog ng Pilipinas. Ang dating akala ko’y mamumulaklak na pagibig sa pagitan namin, ay nahaluan ng samu’t saring pangyayari. Sa tagal ay hindi ko na maalala ang pakiramdam.

Bumitaw si Georgina sa kamay ko. Sabay tumayo at sinabing nasa Ayala na kami.

Hindi kami nagkikibuan habang naglalakad, bagama’t nakakalang sya sa braso ko.
“ako rin. Hindi ko na alam ang nangyari matapos tayong magkawalay ng matagal.” Sabi nya.

***

Nasa food court kami. Nakaupo sya sa harap ko. Tahimik. May mga bagay na hindi nagbago kay Georgina. Tulad nalang ng blankong reaksyon ng kanyang mukha, na napakahirap basahin.

Tumakbo papalapit sakin ang anak ko kasama si Lolet. 
“O kanina pa kayo naghihintay?” sabi ko.
“Hindi daddy. Kararating lang din namin.”

Binati ni Lolet si Georgina ng isang magandang araw.

Mahal na mahal ko ang mag-ina ko. Na malinaw namang masasalamin sa mga sakripisyo at pagtitiis, upang marating namin ang ganitong estado. Sa kanilang dalawa umiikot ang mundo ko. Hindi maikakala yun. Sa dami ng hirap, pagsubok at mga karanasang pinagdaanan namin, bago at matapos kaming ikasal, malinaw sa akin na ang asawa ko talaga ang laman ng puso ko. At na handa akong tumanda kasama sya.

Sinabi ko kay Lolet na bumili muna sila ni Pepper ng Halo-halo.
Nanatiling walang kibo si Georgina habang pinagmamasdang maglakad papalayo ang dalawa.

Hindi ko parin mawari ang tumatakbo sa isip nya. Binasag ko ang katahimikan.
“Alam mo na ba kung ano ang ikukwento mo sa anak mo?” Tanong ko.
Ngumiti sya. Marahang tumango bago nagsalita. “Ikukwento ko ang kabataan natin. At ikukwento ko agad iyon sa kanya.”
Sabi ni Georgina.
“Masaya ako para sa’yo. Okey yun.” Sagot ko.

Masayang tumatakbo papalapit si Pepper kung saan kami nakaupo ni Georgina.
Pinunasan ni Lolet ng tuwalyang nakasabit sa balikat nya ang tumutulong gatas sa labi ni Pepper.
“Thank you!.”  Nakangiting sabi ng anak ko.

Ngumiti si Georgina sakin. Para bang nagtatanong kung papano kami humantong sa ganitong pagkakataon, matapos ang lahat. Para bang hindi makapaniwala sa katotohanang nasa harapan nya. Sa kabila ng lahat ng mga tanong nya, alam kong masaya sya.


Hinalikan ni Georgina sa pisngi si Pepper, Niyapos ng mahigpit, at hinawakan ang mga kamay nito. Ngumiti, at bumulong, "May kwento sa'yo si Mommy.."


***wakas***


12|10|2010

CHELEKONG MAONG.

Laging sa madaling araw ang pagtatagpo namin ni tatay. Madalas kasi akong umuwi ng madaling araw nung kabataan ko. Sa kanya ako laging unang nagmamano bago paman pumutok ang liwanag ng araw.

Si tatay ang taga-luto naming sa sambahayan. Hindi makakakain ang buong pamilya kundi dahil sa luto niya. Siya rin ang toka sa stock na mga delata na madalas kong kupitan pag ako’y dinaratnan ng gutom sa gabi.
Isang araw sa aking pagkabinata, naisipan kong hiramin kay tatay Eddie ang kanyang chelekong maong. May pictorial ako, at alam kong bagay ang chelekong iyon pag nagpose ako sa harap ng kamera. Hindi nagdalawang isip ang tatay at agad na pinalabhan ang cheleko.
Naisuot ko ang cheleko at walang ‘sing ayos ang larawang nakuha sa akin. Ganong saya ko at ipinagmalaki ko agad sa tatay ang kinalabasan ng larawan. “Ok ah.” Sabi ni tatay. 


Mabilis pumasada ang mga araw ay ako’y umedad. Kasabay din ng hindi maiiwasang pag-edad ni tatay Eddie. Sa bawat awit na lumang maririnig ko ay sya agad ang pumapasok sa isip ko. Madalas kasi syang mag second voice sa kahit na anong kantang nalalaman nya. At ang mahusay pa, nasa tamang nota sya. Sa mga sandaling nalalaman kong nadaragdagan na ang kulubot sa aking balat, sya namang pagtutuwid ko sa mga kulubot na nakikita kong nalalagay sa chelekong maong. Labis kong mahal si tatay. Sa lahat ng pagkakataong may nais akong matutunan o magawa, sa kanya ako tumatakbo. At hindi ako nabigo. Hanggang sa mga panahong ito’y nararamdaman ko parin ang lagaslas ng tubig na galing sa batyang kinatatayuan ko kada huhugasan nya ako bago ihatid sa’ming munting bahay sa Prinza nung ako’y musmos at araw araw nyang nilalaro. Nananatili sa dila ako ang lasa ng kanyang mga lutuin kung saan ako lumaki. At mananatiling nakatatak sa’king pagkatao ang mga bagay, maliit o malaki na galing sa isang tatay na nagpamana sa’kin ng chelekong maong.



11/10/2010