|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Friday, October 12, 2012

Sa hulmahan ng diwa ni Lualhati Bautista


Sa hulmahan ng diwa ni Lualhati Bautista.
Isa sa mga unang nagparikit sa alab ng masining na pagsasalaysay ng buhay.


Isinulat ni Jake ang istorya ng pag-ibig nila ni Aurea. Iyon ang ipamimigay sa kanilang kasal bilang souvenier. Tulad ng ibang makata, iyon ay nasa wikang tagalog. At inilimbag ng isang lumang makinilyang pinagmamalaki n’yang kapareho ng modelong ginamit ni Lualhati Bautista sa pagsulat ng mga nobelang “‘GAPÔ” at “Bata, Bata, Pa'no Ka Ginawa?”.

‘San daan at walong pahina. Maganda ang pagkakasalaysay sa tipikal na font size ng makinilya. Kakaunti ang Snow-Pake sa mukha ng mga papel na pinagsamasama ng stapler. Walang iniwang detalye. Simula ‘nung una silang magkita, hanggang sa araw na isinusulat na nya ang istorya.
Kung mababasa’y aabutin ng kilig. Mararamdaman ang nakapaloob na pag-ibig sa bawat saknong. Mararamdaman ang lubos na pagmamahal ni Jake.

May apat na taon na nang isalansan iyon ni Jake sa gitna ng mga libro sa bookshelf sa kwarto nila ng asawa nya.
May bilog na mantsa iyon na galing sa pagkakapatong ng isang tasa ng kape. Nabibilugan ng brown na mantsa ang pamagat nitong “Ang naudlot kong langit”.

-Ewak Hernandez
2012


“The only affair that I do not hate is a love affair, period.” –Lualhati Bautista

Tuesday, January 3, 2012

Sa lumang lugar.

Nakaupo si Jonel sa maligamgam na gutter. Nakasapo sa dalawang palad ang mukhang bumabaha sa luha.

Dito sya madalas maupo at maghintay sa kanyang tatay tuwing hapon upang salubungin ito at magmano, at kalikutin ang kung ano mang pasalubong nito galing sa pagbyahe ng tricycle. Madalas ay goto na binili sa isang kilalang gotohan sa palengke, o kung minsan ay isang plastik ng maputlang palabok na binili sa naglalakong mangyan sa bayan. Kung ano man, masaya itong inuubos ni Jonel. Ngingiti, at yayapos sa pagod niyang tatay.

Kung saan nagbago ang lahat, ay tila isang channel na biglang nailipat nang hindi sinasadyang maupuan ang remote control. Nanlamig ang lahat nang mawari ng tatay ni Jonel na hindi si Voltron at Big Bad BettleBorgs ang gusto nyang katabi sa pagtulog, kung hindi Polly Pocket at si Barbie.

Matagal na naming alam. Mula pa nung uso pa kay Paolo na may isang linyang uhog sa pisngi, at ako naman ay naka tak-in pa at may pulbo mula batok hanggang leeg.
Panay na ang kandirit ni Jonel sa kalsada at kung papano kami masuya sa araw araw nyang pag-aaya saming maglaro ng miss unibers-unibersan at lagi dapat sya ang miss unibers.

--

Naalala ko pa nung nagpatuli kami at unang-una si Jonel sa pila. Seryoso syang humarap sa’min at tila kakandidatong sinabing yun na ang simula ng pagbabagong buhay nya. Hindi ganon ang pagkakasabi nya, parang “This iz it. This iz ze start of the new millenium.”. basta parang ganon. Isipin mo nalang na galing ‘yon sa bibig ng isang baklang grade 4.
Hindi namin alam kung ano ang kahulugan ng mga katagang iyon. Kung simula na ba iyon ng paggiging paru-paro nya, o kung magiging tunay na lalaki na sya. Kung ano man ay hindi na namin nausisa, sapagkat nawala na sa sirkulo ng mga batang-hamog ang bagong tuling si Jonel.

Lumipas ang madaming taon at napagdaanan na namin ang walong libong taghiyawat at sari-saring ST. Ang iba sa amin ay nag-abroad na, ang iba naman ay may asawa na. wala kaming naulinig na balita kay Jonel. May nakapagsabing nagaalok daw ito ng serbisyo sa mga lumang sinehan sa Quiapo, meron nagsabing nagsa-babae na raw ito, at meron namang nagsabing naging kabit daw ito ng isang poging pulitiko. Sa mga sari saring balita ay hindi namin alam ang paniniwalaan. Basta, sa’ming kadiwaan, nawawala si Jonel.

--

Huli na ng malaman ko ang nangyari. Isang Byernes ng umaga sa isang eskinita sa ilalim ng istasyon ng Blumentrit, pagkagaling ko sa isang binyagan, naispatan ko ang matandang tatay ni Jonel. Masaya itong nagkuwento tungkol sa naging kapalaran ng kanyang anak. Ito raw ay may pamilya, ikinasal matapos nyang ipakilala sa isang maestra sa isang kilalang unibersidad sa Maynila, may dalawang anak, at masayang masaya. Tinanong ko ang kalagayan ni Jonel, ang address, at ibinagay naman ito. Dali akong umuwi para ipamalita at makapag plano ng isang dalaw. Sayang at hindi na makakasama si Paolo sapagkat ito’y nasa Saudi na at masayang naninirahan kasama ang pamilya.

***

Naglakad ako patugong bayan, isang Martes ng hapon upang bumili ng pyesa ng bisikleta.

Nakita ko si Jonel. Ngumiti. Nakipagkwentuhan. Tinahak namin ang lahat ng mga kaganapang hinabi ng nagdaang panahon. Walang humpay na tawanan. Tinanong nya ang mga nangyari sa’ming lugar. Kinumusta nya ang lahat. Ikinuwento ko ang kapalaran ni Paolo sa Saudi.Na masayang masaya na ito sa pamilya nya. Ikinuwento ko rin ang pag uusap namin ng Tatay nya dalawang linggo na ang nakalipas. Tinuya nya pa ako na nauna pa syang dumalaw kaysa sakin.
Ibang iba si Jonel. Hindi malambot. Hindi mahinhin. Hindi haliparot. Nakasuot nya ng isang kupas na maong at polong itim na may katernong itim na rubber shoes. Clean cut ang kanyang buhok. Amoy lalaki. Sa wari ko’y Axe ang kanyang pabango. Ibang iba kaysa Jonel na nakilala namin noon na nagtangkang maging isang batang mariposa.

Kinumusta ko ang mga anak nya at ang maybahay nya. kapwa “Okey naman” ang sagot nya.

Umabot nang halos tatlong oras ang kwentuhan, at tumanggi si Jonel na umikot sa aming lugar. Pinili nyang makipagkwenthan sa akin sa tapat ng lumang tindahan ni Botong. Maya-maya pa'y nagpaalam na si Jonel. Kinamayan ko sya at sinabing magkikita kami ulit. Baka sa isang linggo, hindi pa sigurado. Binunot ni Jonel ang isang lumang wallet upang bigyan akong kanyang calling card. Naalala kong nabanggit nga pala ng tatay nya na isa na itong “Office boy”.. oo ganun ang pagkakasabi ng tatay nya.. “Office boy”. Kinuha ko ang card, subalit bago pa maisara ni Jonel ang kanyang pitaka ay naispatan ko ang isang lumang litrato. Litrato ni Paolo.

Hindi na ako nagtanong. Tumalikod na ako at nagpaalam.

Sa isang hindi sinasadyang baling ng aking leeg ay napalingon ako sa kinaroroonan ni
Jonel.

Sinulsi ng diwa ko ang lahat. Naramdaman ko ang kirot ng pagpapanggap. kung papanong inihawla ni Jonel ang tunay na pagkatao at pagibig para sa ikaliligaya ng ama. Hindi ko na nakuhang magtanong kung bakit.

Nakaupo si Jonel sa maligamgam na gutter. Nakasapo sa dalawang palad ang mukhang bumabaha sa luha.



*ewakhernandez
01042012

Saturday, December 17, 2011

Petsa.

Napilitang sumuot si Daniel sa isang makitid na eskinita sa isang hindi-masyadong tinataong sulok ng Binondo, upang maipilit na makaiwas sa galit na galit na si Li.

Ang dapit-hapon nang paghahabol sa kanya ng naghihimutok na si Li ay ang araw kung kailan sya nasesante sa pinapasukang pagawaan ng papel, at kung kailan din sya pinalayas sa tinutuluyang apartment dahil sa tatlong buwang utang sa upa. Ito rin ang araw na naipawalang-bahala nya ang kanyang cellphone habang nagcha-charge sa isang charging station kung kaya ito’y nanakaw.

MALAS.

Sa kakatago’y napadpad sya sa isang masikip at maliit na tindahan ng magasin.

Sa pagtatago ni Daniel sa loob ng tindahan ni Lean, hindi maiaalis na magtanong ito kung ano’ng nangyayari. Naikwento ni Daniel ang kanyang “hindi sinasadyang” atraso kay Li, kung saan walang-pili nyang naibayad sa may-ari ng apartment nya ang perang napagbentahan nila ng mga tinubog sa gintong estatwa ni buddha. Naikwento nya rin ang lahat ng kamalasan nya nuong araw na iyon, ang tatlong buwan pang kulang sa upa, ang pagkakasesante, ang pagkawala ng cellphone at nabanggit nya ring wala na syang matutuluyan.

Mahusay ang salaysay ni Daniel. Nakakadala ng damdamin. Kaya naman, likas kay Lean, ay naawa itong lubos. Sa awa nya, napaisip ito, at pagka’y may dinukwang sa isang eskaparateng kahoy na kinapapatungan ng isang tumpok ng magasin. Iniabot nya kay Daniel ang isang dyaryo.
Nuon ay Desyembre 17, Sabado. Subalit ang taka ni Daniel na Desyembre 18, Linggo, ang nakalimbag na petsa sa iniabot na dyaryo ni Lean. “Nagkakamali rin pala ang Manila Bulletin” Sabi ni Daniel, na may pagtataka rin kung bakit iyon iniabot sa kanya ni Lean.
Ipinaliwanag ni Lean:
“Araw araw ay mayroong isang matandang lalaki na nag-aabot sa akin ng dyaryo.” Sumandal si Daniel sa isang aparador at saka itinuon ang titig sa nagsasalitang si Lean. Nagpatuloy ito:
“Nung una’y hindi ko pa tanto. Nang maglaon ay naunawan ko na ang lihim ng mga dyaryo.”
Hindi umiimik si Daniel. Nagsalitang patuloy si Lean.
“Ang mga dyaryong galing sa matanda ay una ng isang araw ang petsa. At iyan din ang ilalabas sa imprenta bukas.”
Sumagot si Daniel. “Hindi ko maintindihan.”
“Ang mga mangyayari palang bukas ay nakalimbag na sa peryodikong iyan.” Ika ni Lean.
Napatawa ng bahagya si Daniel. Hindi ito pinansin ni Lean.
“Maaaring hindi kapanipaniwala, pero wala namang mawawala kung susubukan mo.” Kinuha ni Lean ang dyaryo sa kamay ni Daniel at inilipat ito sa isang pahina.
“Hayan. May bola ng lotto mamayang alas-siete. Manong tayaan mo ng kahit papano’y makatulong naman ako sa’yo.”
 Dito ay minuestra na ni Lean na oras na upang umalis si Daniel. Na naiatang na nya ng tulong.

Alas singko y medya nang lumabas si Daniel sa tindahan ni Lean. Binunot nya ang natitirang salapi sa bulsa ng kanyang maong. Una’y tinititigan nya ang pabalat ng dyaryo. “TYPHOON SENDONG  LEAVES 436 DEAD IN MINDANAO.. Tipikal na balita. Walang kakaiba. Tiningnan nya rin ang nasa sports at entertainment, at ang iba pang kolum. “Arroyo gets TV set for her hospital suite” at “Public warned on fake bills”. Napangiti sya. “Fake.” Nasabi nya nang mahina sa sarili. Naisip nya na sa isang saglit ay nagmuka syang tanga sa pagbabalak na tayaan nga ang numero sa dyaryo.

Bumili sya ng isang short order na pansit bihon. At makaraan ang sampung minuto, May hawak na syang lotto tiket.

Walang matutuluyan si Daniel sa gabing iyon kung kaya’t wala syang TV o radyo na pwedeng pag-abangan ng bolahan ng lotto. Hindi sya pwedeng bumalik sa apartment sapagkat alam nyan dun sya babalik-balikan ni Li, at isa pa, hinihintay nalang ng may-ari na hakutin nya ang mga gamit nya.
Sa isang barandilya sa may parking lot ng McDonald’s sya napahiga.

Ginising sya ng busina ng mga dumadaang jeepney. Napabalikwas sya ng makita nyang mataas na pala ang araw. Tumingin sya sa kanyang wristwatch. Alas nuebe pasado na.
Napahaba ang tulog nya. Daling tinungo ni Daniel ang isang tindahan ng dyaryo sa may Binondo church. Parang mahihimatay sya ng makita nya ang lumabas sa bola ng lotto. Hindi magkaumayaw syang nanakbo palusot sa eskinita kung saan naroon ang tindahan ni Lean. “Labing pitong milyong piso ang makukubra ko! Nanalo ako!”
Hindi nagsasalita si Lean. Parang na-ulol sandali si Daniel sa kasiyahan.
Nang mapabalik sa sarili’y napaharap sya kay Lean. Hindi ito nagsasalita. Sa halip ay iniabot lamang ulit ang isang bagong Manila Bulletin at saka iminuestrang lumakad na sya palabas ng tindahan. May taka kay Daniel. Lumabas na ito ng pintuan at masayang masayang nagtititili sa kalsada. Hindi nya maubos-maisip kung saan saan nya wawaldasin ang makukuha nyang salapi.

Makaramdam sya ng gutom. Tiningnan nya ang  kanyang wristwatch at nakitang mag aalas dose na pala. Kinalaman na sya ng sikmura kaya naupo sya sa isang tapsilugan. Umorder sya ng isang tapsilog at dalawang kanin. Habang naghihintay ng order ay binuklat nya ang bagong dyaryong iniabot sa kanya ni Lean. Nuon ay Desyembre 18, Linggo. Ang petsa sa peryodiko ay Desyembre 19, Lunes. “CGMA’s FATE IN PNOY’s HAND” nakakasawa parin ang balita. Buklat, buklat, buklat. “IPHONE 4s CRAZE” Bibili sya nito, naisip nya. Buklat pa ulit. “LOCAL HOOD SHOT TO DEATH.”
Binasa nya: Chinatown, MNL. A known Filipino-Chinese hoodlum Daniel Ting was shot to death in an eatery,  yesterday at 12:34 in the afternoon…

Napaiktad si Daniel sa kinauupuan. Binasa nyang muli ang kolum. Walang nagbago. Tiningnang muli ang wristwatch. 12:31. Tuliro, Namumutla, Tumingin sa lamesa, tumingin sa katabi, tumingin sa bentilador, tumingin sa likod, tumingin sa wristwatch.. 12:33. 
Tumingin ulit sa likod. Naroon nakatayo si Li. 

Magsasalita sana si Daniel subalit…






-ewak hernandez
december 18, 2011

Tuesday, April 26, 2011

APAT


Isa iyon sa mga umagang nagliliparan ang mga tutubi at maamoy ang hamog.

Sa matayog na alapaap ay sumasayaw sa hangin kasama ng mga tutubi ang espirito ni Dawa. Nakatanaw sya sa sanlibutan na para bang unang beses nya itong nakita. Minasid nyang may galak at ngiti sa labi ang lupa.
Sa matagal na oras ng pag-gala ni Dawa, ay napatuntong sya sa isang magulang na pilapil, sa isang kapatagan sa hilaga ng kapuluan. Dala narin marahil ng pagod ay napaidlip ang anito ng hangin sa silangan, sa malapad na dahong tangkay ng pilapil.

Napabalikwas si Dawa ng makaramdam ng matalas na bagay sa kanyang batok. Bahagyang napangiti ang anito ng hangin ng makita ang sibat ni Ma-I na nakatutok sa kanyang leeg.

“Anong pakay at naparito?” Matapang na tanong ni Ma-I, ang anito ng lupa sa hilaga.
“napasyal lang at nadala ng ihip ng aking hangin sa’yong mainam na kalupaan, Ka-Mai.” Sagot ni Dawa.
Ibinaba ni Ma-I ang sandata. Bumangon si Dawa’t pinasalamatan ang pilapil. Matagal na katahimikan na isang saglit ay binasag ni Ma-i.
“Ka-Dawa, bilang naririto ka’t may panahong mapagsalitaan, ibubukas ko na sa’yo ang mga balitang naisambit sa’kin ng tainga ng lupa..” Pinaunlakan ito ng anito.
“Nagiging mailap na ang tao. Natututo na syang mamuhay na hindi umaasa sa kalinga nating mga anito. Kailangang may gawin na tayo upang hindi nya tayo tuluyang isantabi’t limutin.” Sumbong ni Ma-i.
“narating na ako ng balitang ‘yan. Namasdan ko rin ang tao at nakita ngang napupuspos na sya ng talino. Ilang panahon narin mula noong huli ko syang marinig tumawag sa’kin.” Sagot ni Dawa.
Inabot ni Ma-I ang isang bagong bunot na tubo kay Dawa. Binali ito ni Dawa sa gitna at iniabot kay Ma-I ang kaputol. Sabay silang sumipsip sa matamis na tubo.
“Ka-Ma-I, maging makupkupin ka’t paubayang dito sa hilaga magdaos ng pulong kasama ang dalawa pa.” kibo ni Dawa. Nagpatuloy. “Paiihipin ko ang aking hangin upang marating ng balita ang dalawa sa kanluran at katimugan.”

umihip nga ang hangin ni Dawa. At noon din ay inihanda ang isang kapulungan.

Dala ng isang nagdidingas na ipu-ipo ay naparoon sa hilaga si Bighaya, ang anito ng apoy sa kanluran. Mayamaya pa’y nagbuga ang pampang  ng karagatan ng isang malaking balyena kung saan sa malaking bibig nito’y lumabas si Siwat. Ang anito ng tubig sa katimugan.

At napaikot ang apat sa isang nakabuluhang usapan.

“Aba, tayo ay hindi dapat mabahala, sapagkat ang hininga ng tao ay galing sa mga ilong natin. Mabilis din natin itong malalagot kung nanaisin natin.” Ika ni Siwat.
“Ginawa natin ang tao upang maging karapatdapat sa’tin. At upang sa pagtagal ay maging katulad nating mga espiritong binasbasan ni Bathala.” Dugtong ni Bighaya.
“nababahala lang naman ako, na sa pagtagal ay maging ‘sing lawak ng dunong natin ang kamalayan ng tao. Anong buti ang dulot nito kung magkakapantay na tayo ng diwa?” mahinang sabi ni Ma-I, nagpatuloy. “nakakapangilabot isipin na ang nilikha natin ang sya ring lulupig sa’tin pag nagkataon.”
Nagsalita si Dawa. “Ka Ma-I, wala ka na bang natitirang ni kaunting tiwala sa tao?”
 Si Bighaya ang sumagot. “hindi tayo ililigtas ng tiwala Ka Dawa. Ang matalinong budhi ay walang ibang hahangarin kundi ang lubos pang katalinuhan. At papatalino na ng ubod ang tao.” Walang humaliling magsalita.

Sa katahimikan ng pulong ay may narinig na naglalakad ang mga anito. Dali nilang tinungo ang pinanggagalingan ng yabag. Sa di kalayuan ay nasilayan nilang namamasyal si Bathala.

“Magandang araw.” Bati ni Bathala sa apat. “Batid ko ang alalahanin ng inyong mga puso.” Dugtong nito.
Sumagot si Bighaya, “Hindi po ba kayo nababahala sa maaaring gawin ng tao, mahal na Bathala?”
Huminga ng malalim si Ma-I bago nagsalita rin, “nangangamba lamang po kaming baka dahil sa matayog na dunong ay iwalang-bahala na ng tao ang aming pagka-anito. Ni hindi na ito dumadasal sa’min pamula ng matutong mamuhay sa sarili.” Sumangayon naman ang iba.
Sumakay ang espirito ni Bathala sa lawin at malakas na sinabi: “Kayong apat! Ibibigay ko ang inyong hangad at gagawan ng paraan ang naging kinahinatnan ng tao.”
Pumagaspas ang lawin. “Aalisan ko ng dila’t pandinig ang tao sa kabila naman ng pagbibigay ko sa ibon ng kakayahang humuni, sa aso ng kakayahang tumahol at sa iba pang tunog na babalot sa sanlibutan.” Lumipad ang lawin at umalingawngaw ang salita ni Bathala sa alapaap. “Hindi makapagsasalita ang tao kasabay ng pagiging bingi nya sa lahat ng tunog. Dahil dito’y magkakaroon sya ng dahilang makipagtalastasan sa inyong apat na lumikha sa kanya upang manalangin. Subalit hindi nya masusumpungan ang kagalingan.”
At sa paglagitik ng kidlat ay naglaho si Bathala.

Lumipas ang mga araw at minasdan ng apat ng kinagawi ng tao. Tinamaan ito ng matinding kalungkutan, at samantalang talastas naman ng mga anito ang iniisip ng tao at naririnig nilang humihingi ng tulong ito sa kanila, wala naman silang kapangyarihan sa ibabaw ni Bathala. Tumagal pa’t nabibingi na ang apat na anito sa mga dasal ng pagsisisi ng puso ng tao. Dahil dito’y nagpatawag ulit ng pulong si Dawa.

Sa pulong ay naunang nagsalita si Dawa: “Hindi ko na matiis ang tao. Hindi ko na makayang makita syang maghihirap.”
Sumagot si Bighaya, “O, hindi ba’t ito ang ninais natin? Subalit nuong pauna lamang. Ako ma’y lubos ang awa sa tao.”
Nagsalita rin si Ma-I “Maari pang may kumausap sa Bathala’t sabihing talupin na ang sakit na ipinatong sa tao.”
Habang nagsasalita ang mga anito, tumayo si Siwat at kinuha ang buslong nakalubid sa kanyang baywang. “Bibigyan ko ng dalawang patak ng tubig ang tao. Anu pa’t magsisilbi itong tanda ng labis nyang lumbay at ipapatak ito ng kanyang mata upang matanto ni Bathala ang kanyang pagsisisi.” At nanaog si Siwat at hinipo nga ang mga mata ng tao.
Sumunod ay tumindig si Bighaya. “Pagdidingasin ko ang alab sa puso ng tao. Sa gayo’y madarama nya ang iba’t ibang pihit ng emosyon.  Sa ganito’y naipaparating nya sa atin, at kay Bathala ang mga nais ng kanyang puso. Tatawagin itong ‘Damdamin’. ” at bumulusok ang isang pulang alab na ibinato ni Bighaya sa dibdib ng tao.
Sumalita si Ma-I. “Naibigay ko na sa tao ang dunong sa pangangaso’t pagtatanim saking lupain. Ang maihahandog ko na lamang ay ang karapatan upang libutin ang kahit saan sa aking lupalop samantalang siya ay nagbibigay ng galang sa ibang nilalang tulad ng hayop at halaman. ” at nagkagayon nga.
Huling nagsalita si Dawa: “Nasa akin ang kapangyarihan ng hangin at kalawakan. Ibibigay ko sa tao ang kapangyarihan upang gamitin ang hangin sa paghahatid ng mensahe sa atin, kay Bathala at sa ibang nilalang sa kahit na paanong paraang magagamit nya ang hangin, samantalang hindi sya nakakarinig at nakakapagsalita.” At nagkagayon nga.

Ilang buwan ang nagdaan.

Isang gabing pinahahampas ni Siwat  sa dalampasigan ang alon, ay napadaana ang tao. Hindi nagpakita ang anito at ito’y tumago sa isang kabibe. Nalilitong-gulat ni Siwat ng isang malamyos na tunog  ang narinig nyang lumabas mula sa mga labi ng tao. Mainam ito sa pandinig ni Siwat at ramdam nya ang damdamin na nakapaloob dito. At nuon nga narinig ang unang sipol. Nanaog ang tatlo pang anito sapagkat nadinig rin nila ang malambing na tunog ng sipol ng tao. Batid din nilang may panalangin itong kasama dahil sa damdaming nakapaloob sa bawat tono. Datapwa’t hindi ito naririnig ng tao, nagagamit nya naman ang hangin upang ito’y patunugin. Ilang sandal pa’t may dalawang patak ng luhang umagos sa mga mata ng tao. At dito’y naramdaman nilang ito’y nakikiusap.

Nanalangin ang apat kay Bathala. Ilang sandal pa’t nakadinig sila ng palakpak na sinasabayan ng pagtimpalak ng paa. Sipol, sipol at sipol. Damdaming masaya’t may pasasalamat. At laking gulat ng apat ng sumalita ang tao kasabay ng kanyang palakpak at pagyabag ng paa.

“Mga anitong hirang, pagsisising taos
Sa pusong naghirap, sa inyo’y tantos
Ang malimot kayo’y hindi na mauulit
Ako’y sasambit parati aawit.”

At narinig nga sa mundo ang kaunaunahang awit matapos talupin ni Bathala ang lambong na itinalukbong nya sa boses at pandinig ng tao. Labis ang kasiyahan ng tao kung kaya’t umawit lang sya ng umawit buong gabi sa mga anito. Ang apat nama’y lubos ang galak sa pakikinig sa mga awit ng papuri at pagsamba sa kanila. Naglaon ay hinandugan nila ang tao ng mga instrumentong makalilikha ng musikang makasasabay sa pagawit ng tao. Natutong umawit ang apat gawa ng tao, at buong saya rin nilang inawitan si Bathala. At sinabi ni Bathala sa lawin: “At natuto rin sila ng bagong kaalaman sa nilalang na kinatatakutan nilang mahihigitan ang dunong nila. May buting dulot rin naman pala.”

-Ewak Hernandez
2012

Thursday, December 23, 2010

Tangay ng hangin.

*first published 2008
"Shut your eyes, maglakbay sa panaginip"
The Tanglawan-Deluge literary folio 2008
copyright The Scholastican



Nakangiti sya



"Hindi ako kumakain ng gulay. Vegetarian ako."
Idinura ni Mellow ang isang subong kumpitis sa plato.
"Bakit kasi hindi mo sinabi agad na gulay pala ito!"
Dugtong nya.
"Eh, hindi ko rin naman inaasahan na darating ka. Kasal mo ngayon diba?"
Sagot ni Jihan na kanina pa nagtataka kung saan nanggagaling ang matamis na amoy na bumabalot sa kanyang hardin.

Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang padalhan ni Mellow ng isang mensahe tangay ng hangin si Jihan. Sambit dito ang mga katagang: "Oi punta ka sa Myerkules, dalawang linggo mula ngayon. May kasalan."
Tinandaan ni Jihan ang mensahe.

"Paano mo nalamang kasal ko ngayon?"
Dinukot ni Mellow ang isang plastik ng Doris sa kanyang backpack. Paborito nya ito mula pa nuong mga bata sila.
"Myerkules. sabi ng hangin Myerkules."
Hindi Tumatayo si Jihan sa kanyang kinauupuan subalit patuloy ang kanyang ilong sa paghahanap kung saan nanggagaling ang matamis na amoy.
"Tsong Martes lang ngayon." Sabi ni Mellow.

"Naka wedding gown ka kaya."



Pumaling sya sa kanan




Matagal na katahimikan. Tumayo si Jihan at binuksan ang pintuang screen upang pumasok sa loob ng bahay nya. Lumagabog ito pag sara. Kumalog ang isang picture frame na nakasabit sa ibabaw ng pintuan. Napansin ito ni Mellow.
"Oy, Naitago mo pa pala 'to?"
"Alin?" Pasigaw na sagot ni Jihan habang Nagsasalin ng salabat sa tatlong baso.
"Yung picture nating dalawa nung highschool graduation."
"Ah, oo. Bakit, yung kopya mo nasan na?"
Hindi sumagot si Mellow.

Itinulak ni Jihan ng balikat nya ang pinto para lumabas. Bitbit nya ang isang tray na may nakapatong na tatlong baso ng umuusok na salabat.
"'Di ka na sumagot. Sabi ko nasan na yung kopya mo."
Umupo si Mellow sa sahig. Sa paanan ng isang puno ng kaimito. Wala paring kibo.
"Hindi mo na alam kung nasaan noh?"
Inilapag ni Jihan ang tray sa sahig sa harap ni Mellow. Sabay umupo rin sya sa harap nito.


           
Umungol sya



"Bakit tatlo 'yang baso? Eh dalawa lang tayo dito?"
Malayo ang tanaw ni Mellow.
"Kay Jared yan. Hindi ba sya dadaan dito? Hindi ka ba nya susunduin?"
Buntong hininga.
"Ayoko nito Jihan. Ayoko sana nito."
Buntong hinga ulit.

Walong taon na nang unang ipakilala ni Mellow si Jared kay Jihan. Mabigat. Pero kailangan. Hindi na umuubra ang mga bagay sa pagitan ni Mellow at Jihan. Dumating pa si Jared. Lalong nagkaron ng maraming komplikasyon.

Sa kabila ng lahat, Buo parin ang  puso ni Jihan. Para kay Mellow.

Kay Mellow lang.



Tinawag nya ang isang pangalan



"Hindi mo naman sinagot yung tanong ko Mellow eh."
"Teka, ano ba'to?"
"Salabat"
"Ay, Vegetarian ako eh."
"Galing sa luya yan. Gulay."
"Hindi ako kumakain ng gulay. Vegetarian ako. Simula pa nung.. nung huli tayong magkita"
"Simula pa nung isang taon?"
Pagtataka ni Jihan.
"Ganon na ba katagal? parang kailan lang."
Sagot ni Mellow.
Patindi ng patindi ang matamis na amoy.

"Tsong hindi dadating si Jared. Hindi nya ko susunduin."
Tumayo si Mellow. Nag-unat.
Nanatiling nakaupo si Jihan.

"Ang ganda ng gown mo. Anong material yan?"
"Retaso dude. saka ano.. Dyaryo. Nilagayan ata ni Waggy 'to ng.. ah oo nga. nilagyan nya 'to sa laylayan ng pink na ribbon.. kaso, nawawala ata. sumabit siguro sa jeep kanina."
Nakatitig si Jihan kay Mellow. Walang kurap. Namamangha. Kung papaanong ang isang bagong kasal na babae ay nakukuhang maggala at umasal ng ganito.. Pero. gusto nya ito. Gusto nyang nasa harap nya si Mellow. Wala syang ibang gusto kundi ang makasama ito.

Nakatingala sya. Walang kibo. Pinagmamasdan ang walang kupas na kagandahan.

"Kasal na ako Jihan. Sa isang hindi ko inaasahan. Sa isang akala ko'y hindi ako ipaglalaban.. Wala si Jared. Hindi sumipot.. At saka, wala namang barong na isosoot yon.."
Nadurog ang puso ni Jihan.
"Kinasal ako sa ibang lalaki. Vegetarian din sya kaya ko sya pinakasalan. "



May pumatak na luha



Humigop si Jihan ng salabat. Upang magkunwaring dahil sa init at paso ang pagluluha. Tahimik. Kapwa nakatingin sila sa malayo.

"Mellow.. Hindi mo man lang ba ako naisip?"
"Kailan?"
"Bago ka magpakasal dun sa kung sino man.. Saka pagkatapos nyong maghiwalay ni Jared."
Hindi parin sila tumitingin sa isa't isa.
"Aah.. Hindi ko nga alam kung nasan na si Jared. Basta Sabi nya, pupunta lang daw sya sa CR. Tapos nawala na.."
Umupo ulit si Mellow sa Tabi ni Jihan. Pero hindi parin sila nagtitinginan.
"Hinanap mo ba sya?"
"Si Jared? Hindi.. Kahit naman nung una hindi ko sya hinanap. Kusang dinala ng hangin sakin.. Kahit minsan, ayoko nang saluhin, Wala akong magawa kundi sumabay sa ihip.."
Humigop ulit si Jihan ng salabat.

Tumayo si Jihan. Lumapit sa pintuan upang abutin ang picture frame. Tinitigan nya ito upang alalahanin ang mga magagandang pangyayaring dumaan sa kanila ni Mellow. Subalit habang tinititigan nya ito at binabagtas ng mga mata nya ang larawan, ay tila napupuno ito ng makapal na usok. Puti. Unti-unting lumalabo ang imaheng matagal nang nakalimbag sa papel...
Sinubukang tanggalin ni Jihan ang usok. Hinipan nya. Pinunasan.. Walang epekto.. Di nagtagal ay nabura na ang larawan.. Hindi nya maintindihan ang nangyayari.
Lumingon sya kay Mellow...
Nakatingin ito ng deretso sa kanya.
Nakangiti.
Nakangiti habang dahan-dahang lumalabo ang kanyang mukha...

"Mellow, wag ka nang umalis ulit.."

Nakangiti parin ito.. umiiyak si Jihan.. Nabubura ang mukha ni Mellow.. Dahan-dahan..

"Hindi naman kita iniwan Jihan. Kahit noon. Aalis lang ako sandali.. sandali lang.."
Nakangiti..

"Wag na Mellow.. nakikiusap ako.. wag na.."

Matapang na matapang na ang matamis na amoy..



Tumihaya sya



Wala na ang mga mata ni Mellow, pati ang ilong at tainga.. Blanko. Puti.
Dinampot nya ang isang baso ng salabat. at sa mga labi nyang mapuputi ay walang pakundangan nya itong ininom at inubos.

"Vegetarian ka kamo ah? Gulay yan.. Bakit mo ininom?
Nagulat si Jihan.

"Mahirap para sakin itong ginawa ko. Nadaganan ako ng sangkatutak na pagbabago mula nung hindi tayo magkita. Ipinilit ko sakin ang hindi naman dapat. Para lang maging bagay sa lahat. Hindi kita ini..."

May kalog na naramdaman si Jihan..

"..Wan Jihan.. Nandito lang ako sa tabi mo. Pero hindi mo ako nakikita. Dahil.. dahil hindi ako nagpapakita.."

Kumalog ulit.

Gamit ang kanang kamay ay dinampot ulit ni Mellow ang basong dapat sana ay kay Jared..

"Wala si Jared. Inumin ko na 'to ha."
Inubos ulit ni Mellow ang salabat.
"Shet. Carnivorous na ko. ughh."
Walang humpay ang pagiyak ni Jihan. Hindi alam ang gagawin kung iiwan ulit sya ni Mellow..

"O pano.. Una na muna ako sayo ha.. hanggang sa susunod nalang.."
Tuluyan nang nawala ang mukha ni Mellow subalit umaalingawngaw ang tinig nya.
Nangingibabaw parin ang matamis na amoy.

"Masaya ako nakita kita Mellow. Sa susunod ulit.. Ingat ka ha."

Tumalikod na si Jihan at pumasok sa bahay.. Subalit sumusunod parin sa kanya ang matamis na amoy. Nakikita nya si Mellow sa gilid ng kanyang mata, at nakita nyang tumalikod narin ito upang sumakay ng jeep.

Wala na si Mellow. Walang nakakaalam kung saan sya makikita. Kung kailan ulit sya dadating. Sa isa pang pagkakataon, nabiyak ang puso ni Jihan.



Nagising sya



Napabalikwas si Jihan sa higaan. Pawis na pawis. Halatang mabilis ang tibok ng kanyang puso. Deretso ang tingin.. Hindi Kumukurap. Hindi makapaniwalang Anim na taon na mula nang makita nyang naka wedding gown si Mellow at nakaharap sa Altar, habang sugatan ang puso nyang nakatanaw sa likod ng simbahan. Nagbuntong hininga sya. Napayuko. Naamoy nya ang matamis na halamuyak na nasa ere ng silid. Tumingala sa kisame. Tumingin sa orasan.. Alas-dos ng madaling araw. Maaga pa. Humiga ulit. Nakatitig sa kisame. Habang lumilipad ang isip sa kawalan ay dinalaw ulit sya ng magkakahalong ala-ala. mga ala-alang nagpabago sa buhay nya. Pumaling sya sa kaliwa.
Tinitigan ang babaeng natutulog sa tabi nya. Inamoy ang matamis na halimuyak ng kanyang kabiyak. Napangiti. at nagtaka. Nagtataka ngunit natutuwa. Kung papanong ipinagpalit ni Mellow ang lahat.. Ang lahat lahat.. Maging ang sariling kasal, para lang makasama sya.


-wakas