|| HOME || ARTWORKS || LITERARY || SHORT STORIES || DAILY || VIDEOS || CONTACT ME ||

Saturday, December 17, 2011

Petsa.

Napilitang sumuot si Daniel sa isang makitid na eskinita sa isang hindi-masyadong tinataong sulok ng Binondo, upang maipilit na makaiwas sa galit na galit na si Li.

Ang dapit-hapon nang paghahabol sa kanya ng naghihimutok na si Li ay ang araw kung kailan sya nasesante sa pinapasukang pagawaan ng papel, at kung kailan din sya pinalayas sa tinutuluyang apartment dahil sa tatlong buwang utang sa upa. Ito rin ang araw na naipawalang-bahala nya ang kanyang cellphone habang nagcha-charge sa isang charging station kung kaya ito’y nanakaw.

MALAS.

Sa kakatago’y napadpad sya sa isang masikip at maliit na tindahan ng magasin.

Sa pagtatago ni Daniel sa loob ng tindahan ni Lean, hindi maiaalis na magtanong ito kung ano’ng nangyayari. Naikwento ni Daniel ang kanyang “hindi sinasadyang” atraso kay Li, kung saan walang-pili nyang naibayad sa may-ari ng apartment nya ang perang napagbentahan nila ng mga tinubog sa gintong estatwa ni buddha. Naikwento nya rin ang lahat ng kamalasan nya nuong araw na iyon, ang tatlong buwan pang kulang sa upa, ang pagkakasesante, ang pagkawala ng cellphone at nabanggit nya ring wala na syang matutuluyan.

Mahusay ang salaysay ni Daniel. Nakakadala ng damdamin. Kaya naman, likas kay Lean, ay naawa itong lubos. Sa awa nya, napaisip ito, at pagka’y may dinukwang sa isang eskaparateng kahoy na kinapapatungan ng isang tumpok ng magasin. Iniabot nya kay Daniel ang isang dyaryo.
Nuon ay Desyembre 17, Sabado. Subalit ang taka ni Daniel na Desyembre 18, Linggo, ang nakalimbag na petsa sa iniabot na dyaryo ni Lean. “Nagkakamali rin pala ang Manila Bulletin” Sabi ni Daniel, na may pagtataka rin kung bakit iyon iniabot sa kanya ni Lean.
Ipinaliwanag ni Lean:
“Araw araw ay mayroong isang matandang lalaki na nag-aabot sa akin ng dyaryo.” Sumandal si Daniel sa isang aparador at saka itinuon ang titig sa nagsasalitang si Lean. Nagpatuloy ito:
“Nung una’y hindi ko pa tanto. Nang maglaon ay naunawan ko na ang lihim ng mga dyaryo.”
Hindi umiimik si Daniel. Nagsalitang patuloy si Lean.
“Ang mga dyaryong galing sa matanda ay una ng isang araw ang petsa. At iyan din ang ilalabas sa imprenta bukas.”
Sumagot si Daniel. “Hindi ko maintindihan.”
“Ang mga mangyayari palang bukas ay nakalimbag na sa peryodikong iyan.” Ika ni Lean.
Napatawa ng bahagya si Daniel. Hindi ito pinansin ni Lean.
“Maaaring hindi kapanipaniwala, pero wala namang mawawala kung susubukan mo.” Kinuha ni Lean ang dyaryo sa kamay ni Daniel at inilipat ito sa isang pahina.
“Hayan. May bola ng lotto mamayang alas-siete. Manong tayaan mo ng kahit papano’y makatulong naman ako sa’yo.”
 Dito ay minuestra na ni Lean na oras na upang umalis si Daniel. Na naiatang na nya ng tulong.

Alas singko y medya nang lumabas si Daniel sa tindahan ni Lean. Binunot nya ang natitirang salapi sa bulsa ng kanyang maong. Una’y tinititigan nya ang pabalat ng dyaryo. “TYPHOON SENDONG  LEAVES 436 DEAD IN MINDANAO.. Tipikal na balita. Walang kakaiba. Tiningnan nya rin ang nasa sports at entertainment, at ang iba pang kolum. “Arroyo gets TV set for her hospital suite” at “Public warned on fake bills”. Napangiti sya. “Fake.” Nasabi nya nang mahina sa sarili. Naisip nya na sa isang saglit ay nagmuka syang tanga sa pagbabalak na tayaan nga ang numero sa dyaryo.

Bumili sya ng isang short order na pansit bihon. At makaraan ang sampung minuto, May hawak na syang lotto tiket.

Walang matutuluyan si Daniel sa gabing iyon kung kaya’t wala syang TV o radyo na pwedeng pag-abangan ng bolahan ng lotto. Hindi sya pwedeng bumalik sa apartment sapagkat alam nyan dun sya babalik-balikan ni Li, at isa pa, hinihintay nalang ng may-ari na hakutin nya ang mga gamit nya.
Sa isang barandilya sa may parking lot ng McDonald’s sya napahiga.

Ginising sya ng busina ng mga dumadaang jeepney. Napabalikwas sya ng makita nyang mataas na pala ang araw. Tumingin sya sa kanyang wristwatch. Alas nuebe pasado na.
Napahaba ang tulog nya. Daling tinungo ni Daniel ang isang tindahan ng dyaryo sa may Binondo church. Parang mahihimatay sya ng makita nya ang lumabas sa bola ng lotto. Hindi magkaumayaw syang nanakbo palusot sa eskinita kung saan naroon ang tindahan ni Lean. “Labing pitong milyong piso ang makukubra ko! Nanalo ako!”
Hindi nagsasalita si Lean. Parang na-ulol sandali si Daniel sa kasiyahan.
Nang mapabalik sa sarili’y napaharap sya kay Lean. Hindi ito nagsasalita. Sa halip ay iniabot lamang ulit ang isang bagong Manila Bulletin at saka iminuestrang lumakad na sya palabas ng tindahan. May taka kay Daniel. Lumabas na ito ng pintuan at masayang masayang nagtititili sa kalsada. Hindi nya maubos-maisip kung saan saan nya wawaldasin ang makukuha nyang salapi.

Makaramdam sya ng gutom. Tiningnan nya ang  kanyang wristwatch at nakitang mag aalas dose na pala. Kinalaman na sya ng sikmura kaya naupo sya sa isang tapsilugan. Umorder sya ng isang tapsilog at dalawang kanin. Habang naghihintay ng order ay binuklat nya ang bagong dyaryong iniabot sa kanya ni Lean. Nuon ay Desyembre 18, Linggo. Ang petsa sa peryodiko ay Desyembre 19, Lunes. “CGMA’s FATE IN PNOY’s HAND” nakakasawa parin ang balita. Buklat, buklat, buklat. “IPHONE 4s CRAZE” Bibili sya nito, naisip nya. Buklat pa ulit. “LOCAL HOOD SHOT TO DEATH.”
Binasa nya: Chinatown, MNL. A known Filipino-Chinese hoodlum Daniel Ting was shot to death in an eatery,  yesterday at 12:34 in the afternoon…

Napaiktad si Daniel sa kinauupuan. Binasa nyang muli ang kolum. Walang nagbago. Tiningnang muli ang wristwatch. 12:31. Tuliro, Namumutla, Tumingin sa lamesa, tumingin sa katabi, tumingin sa bentilador, tumingin sa likod, tumingin sa wristwatch.. 12:33. 
Tumingin ulit sa likod. Naroon nakatayo si Li. 

Magsasalita sana si Daniel subalit…






-ewak hernandez
december 18, 2011

No comments:

Post a Comment